Introduction: Bakit Mahalaga ang Humility o Kababaang-Loob o Pagiging Mapagpakumbaba Lalo na sa mga Panahong ito?
· Ang Labis na Pagkahumaling ng Mundo sa Self-promotion
Sa panahon ngayon, nabubuhay tayo sa isang mundong punung-puno ng ingay. Tumingin ka sa paligid, at mapapansin mo na lagi tayong itinutulak ng mundo na magpapansin.
Makikita natin ang isang mundo na sobrang nahuhumaling sa self-promotion o pagpo-promote ng sarili.
Hinihikayat tayo ng social media na i-post ang ating mga highlights, ipagdiwang ang bawat tagumpay, at iangat ang ating personal brand. Sa trabaho, kailangan nating mamayagpag sa paggawa para mapansin. Kahit sa paaralan, nakikipagkumpetensiya ang mga estudyante sa isa’t isa para makakuha ng matataas na grado at tumanggap ng pagkilala.
Kahit saan tayo tumingin, nariyan ang mga taong ipinagmamalaki ang kanilang mga tagumpay, itinataas ang kanilang sarili, at ibinabandera ang kanilang perpektong imahe: sila ay magagaling, mahuhusay, maligaya, matagumpay sa buhay.
Ang tagumpay sa panahon ngayon ay nasa kamay ng mga taong pinakamaiingay sa social media o sa kahit saan man. Mga taong maraming Likes, Followers, engagement, mga tagahanga. Sila iyong mga nagdodomina sa ibabaw ng lahat at hindi kailanman umaamin ng pagkatalo sa larangan na kanilang pinasukan.
Wala namang masama na ipagdiwang natin ang mga tagumpay. Ang problema ay kapag ikinapit na natin ang sarili natin sa mga pagkilala at palakpak, na dahil dito ay iyon na ang nagiging identity natin. Ang problema, kapag nagsimula na tayong maniwala na ang halaga natin bilang tao ay nakabatay sa kung gaano karami ang pumupuri sa atin, o kung gaano tayo matagumpay sa paningin ng iba.
May pagkakataon bang naikukumpara mo ang buhay mo sa buhay ng iba? Siguro, nakita mo ang mga larawan ng kaibigan mo na nagbakasyon sa ibang bansa, o kaya ay nang ma-promote ang katrabaho mo, o may bagong bahay iyong pinsan mo—at napaisip ka kung bakit hindi ganoon ka-exciting ang buhay mo.
Nakakalungkot na nagiging ordinaryo na lang ang pagkukumpara ng sarili sa iba, kaya hindi na namamalayan ng mga tao na lagi na palang nagagawa nila ito.
Sa totoo lang, madalas na ang ipino-post lang naman ng mga tao ay ang masasaya nilang sandali, hindi iyong mga panahong problemado sila. Kaya kapag ikinumpara natin ang sarili natin sa highlight reel ng sinuman, hindi tayo kailanman mananalo.
Ito ang dahilan kaya ang maraming tao ngayon ay tila pagod na pagod na. Dahil lagi nilang sinisikap na may mapatunayan sila sa kanilang mga katrabaho, kaibigan, pamilya, o kahit sa mga hindi nila kilalang tao online.
Pero hindi tayo dapat mabuhay nang ganito. Hindi natin dapat gugulin ang buong buhay natin na laging naghahabol o naghahangad ng papuri, palakpak at paghanga ng iba.
Sa kasagsagan ng mabilisan at aligagang karera para makaakyat sa rurok ng tagumpay, mayroong mahalagang katangian na dapat taglayin ang tao. Pero nakakalungkot na ito ay naisasantabi ng marami.
Ito ay ang humility o kababaang-loob.
© 2025 Mayumi Cruz All rights reserved. Site Design and Content by Mayumi Cruz