fbpx

Oscar Wilde (1854 – 1900) was an Irish poet and one of London’s most popular playwrights in the early 1890s. This is my free translation in Filipino language of his famous short story, The Happy Prince. While I have strived to render the English words into their actual Filipino equivalent, my foremost concerns are story comprehension, prose, and ease of reading. The Happy Prince is a public domain work and can be downloaded  HERE.

Sa pinakamataas na lugar ng lunsod, sa isang mahabang haligi, ay nakatayo ang estatwa ng Masayang Prinsipe. Nababalot siya ng suson-susong maninipis na pinong ginto. Ang mga mata niya’y dalawang makikislap na batong sapiro, at isang malaking pulang batong rubi ang kumikinang sa hawakan ng kaniyang espada.

Hangang-hanga sa kaniya ang marami. “Kasing-ganda siya nghugis-tandang na instrumentong nagtuturo ng direksiyon ng ihip ng hangin,”sabi ng isa sa mga Konsehal ng Lunsod na gustong magkaroon ng reputasyon bilang isang taong magaling sa sining. “Wala nga lang masyadong pakinabang,” dagdag niya, dahil baka isipin ng taong-bayan na hindi siya praktikal. Sa katunayan ay praktikal siya talaga.

“Bakit hindi ka maging gaya ng Masayang Prinsipe?” tanong ng isang matalinong ina sa kaniyang anak na batang lalaki, na palahingi ng mga bagay na imposible niyang maibigay. “Hindi iniisip kailanman ng Masayang Prinsipe na humingi ng anumang bagay.”

“Natutuwa ako na mayroong masaya sa mundo,” bulong ng isang lalaking bigo sa buhay habang minamasdan niya ang kahanga-hangang estatwa.
“Kamukha siya ng isang anghel,” sabi ng mga bata na nakatira sa Bahay ng Kawanggawa habang sila’y papalabas ng katedral, suot ang matitingkad na pulang balabal at ang kanilang mapuputi’t malilinis na tapis.

“Paano ninyo nasabi iyan?” tanong ng Guro ng Matematiko, “hindi pa kayo nakakita ng anghel.”

“Nakakita na po! Sa aming mga panaginip,” sagot ng mga bata. Kumunot ang noo ng Guro ng Matematiko at sumungit ang kaniyang mukha sapagkat para sa kaniya, hindi tama na mangarap ang mga bata.

Isang gabi, lumipad sa ibabaw ng lunsod ang isang maliit na Layang-layang. Anim na linggo na ang nakararaan nang umalis patungong Ehipto ang kaniyang mga kaibigan. Subalit nagpaiwan siya sapagkat umibig siya sa isang magandang halamang Tambo. Nakita niya ito noong nagsisimula ang panahon ng tagsibol, habang lumilipad siya sa kahabaan ng ilog at sinusundan ang isang malaking dilaw na gamu-gamo. Labis siyang humanga sa balingkinitan nitong baywang kaya’t napatigil siya para kausapin ito.

“Iibigin ba kita?” tanong ng Layang-layang, sapagkat gusto niya ng diretsahang usapan. Yumuko ang Tambo. Kaya lumipad siyang paikot-ikot dito, isinasayad sa tubig ang kaniyang mga pakpak na lumikha ng mumunting alon na kulay-pilak. Ganito siya nanligaw, at tumagal iyon sa buong tag-araw. 

“Katawang-tawang pagkagiliw iyan,” tiririt ng iba pang mga Layang-layang. “Walang pera ang Tambo na iyon, at napakarami niyang kamag-anak.” Talaga namang ang ilog ay punung-puno ng mga halamang Tambo. Nang dumating ang taglagas, lahat ng iba pang Layang-layang ay lumipad palayo.

Nang wala na sila, nalungkot siya at nagsawa sa babaeng kaniyang iniibig. “Hindi siya nakikipag-usap,” sabi niya, “at nangangamba akong siya’y isang babaeng mapaglaro dahil lagi siyang nakikipagharutan sa hangin.” At talaga namang kada buga ng hangin, malantik na yumuyuko ang Tambo. “Inaamin ko na pambahay siya,” patuloy na pahayag ng ibon, “pero hilig kong maglakbay, at ang asawa ko ay dapat mahilig ding maglakbay.”

“Sasama ka ba sa akin?” Sa wakas ay tinanong niya ito. Subalit umiling ang Tambo, sapagkat ayaw nitong iwan ang kaniyang tahanan.

“Sinayang mo lang ang panahon ko,” pagtangis niya. “Pupunta na ako sa mga Piramide. Paalam!” At lumipad siya palayo.

Buong maghapon siyang lumipad, at nang gumabi, nakarating siya sa lunsod. “Saan ako hihimpil?” sabi niya. “Sana ay may matuluyan ako sa bayang ito.”
Pagkatapos, nakita niya ang estatwa na nakapatong sa mataas na haligi.

“Dito ako hihimpil,” sabi niya. “Maganda ang lugar na ito, sagana ang sariwang hangin.” Kaya lumipad siya pababa sa pagitan ng mga paa ng Masayang Prinsipe.

“Ginto ang kuwarto ko,” bulong niya sa sarili habang iniikot niya ang kaniyang paningin at humanda na siyang matulog. Subalit samantalang inihahalukipkip niya ang kaniyang ulo sa ilalim ng kaniyang pakpak, isang malaking patak ng tubig ang bumagsak sa kaniya. “Nakapagtataka!” sabi niya. “Walang ulap sa kalangitan, ang mga bituin ay malilinaw at makikislap, pero umuulan. Talagang hindi maganda ang klima sa hilagang Europa. Dati ay gusto ng Tambo ang ulan, pero dahil lang iyon sa kaniyang kasakiman.”

Isa pang patak ang bumagsak.

“Ano’ng silbi ng isang estatwa kung hindi ako maipagsasanggalang nito sa ulan?” sabi niya. “Kailangan kong maghanap ng isang maayos na tsiminea.” Ipinasiya niyang lumipad paalis.

Subalit bago pa niya naibuka ang kaniyang mga pakpak, bumagsak ang ikatlong patak, at tumingin siya sa itaas at nakita… Ah! Ano ang kaniyang nakita?

Luhaan ang mga mata ng Masayang Prinsipe, at tumutulo ang mga luha sa mga ginintuang pisngi nito. Napakaganda ng kaniyang mukha sa ilalim ng liwanag ng buwan kung kaya’y labis na naawa ang maliit na Layang-layang.

“Sino ka?” tanong niya.

“Ako ang Masayang Prinsipe.”

“Bakit ka umiiyak, kung gayon?” tanong ng Layang-layang. “Binasa mo na ako.”

“Noong panahong buhay ako at may puso ng isang tao,” sagot ng estatwa, “hindi ko alam ang pagluha sapagkat nakatira ako sa Palasyo ng Sans-Souci, kung saan hindi pinapayagang mamahay ang kalungkutan. Sa araw ay nakikipaglaro ako sa aking mga kaibigan sa hardin, at sa gabi ay pinangunguhanahan ko ang sayawan sa Malaking Bulwagan. Sa palibot ng hardin ay nakatayo ang isang napakataas na bakod, subalit hindi ko inisip na magtanong kung ano ang nasa kabila niyon. Lahat ng bagay para sa akin ay maganda. Tinawag akong Masayang Prinsipe ng aking mga tagapaglingkod, at talaga namang masaya ako, kung kaligayahan nga ang kalayawan. Kaya nabuhay ako, at namatay ako. Ngayon na patay na ako, inilagay nila ako sa napakataas na dakong ito upang makita ko ang lahat ng kapangitan at lahat ng kapighatian ng aking lunsod. At bagaman ang aking puso ay gawa sa tingga, napipilitan akong tumangis.”

“Ano ito?! Hindi ba’t solidong ginto siya?” tanong ng Layang-layang sa sarili. Masyado siyang magalang para sabihin nang malakas ang kaniyang personal na opinyon.

“Doon sa malayo,” patuloy ng estatwa sa isang mahina at malamusikang tinig, “sa isang makitid na kalsada sa malayo ay mayroong bahay ng isang dukha. Isa sa mga bintana niyon ay bukas, at sa pamamagitan niyon ay nakikita ko ang isang babaeng nakaupo sa isang mesa. Ang kaniyang mukha ay payat at pagal, at mayroon siyang namumula at magagaspang na kamay, puno ng tusok ng mga karayom dahil siya’y isang mananahi. Binuburdahan niya ng mga hugis ng passion-flower ang isang saya na gawa sa satin, na susuutin ng pinakamagandang binibining pandangal ng Reyna sa susunod na Engrandeng sayawan. Nakahiga sa kama sa isang sulok ng kuwarto ang kaniyang maliit na anak na lalaki na may sakit. Nilalagnat siya, at naglalambing, humihingi ng mga prutas na kahel. Walang maibigay sa kaniya ang kaniyang ina kundi tubig na mula sa ilog, kaya siya umiiyak. Layang-layang, Layang-layang, munting Layang-layang, hindi ba maaaring dalhin mo sa babae ang rubi na nasa hawakan ng aking espada? Ang mga paa ko ay nakapako sa pedestal na ito at hindi ako makagalaw.” 

“Hinihintay po ako sa Ehipto,” sagot ng Layang-layang. “Ang mga kaibigan ko ay lumilipad nang pabalik-balik sa ilog Nile at nakikipag-usap sa malalaking bulaklak ng lotus. Di magtatagal, matutulog na sila sa libingan ng dakilang Paraon. Naroon mismo ang Paraon sa kaniyang napipinturahang kabaong. Nakabalot siya ng dilaw na lino at inembalsamo ng mga damong-gamot. Sa kaniyang leeg ay nakasabit ang isang kuwintas na yari sa batong jade na ang kulay ay maputlang berde, at ang kaniyang mga kamay ay tila lantang mga dahon.”

“Layang-layang, Layang-layang, munting Layang-layang,” sabi ng Prinsipe, “hindi ba maaaring samahan mo ako ng isang gabi lang, at maging mensahero ko? Uhaw na uhaw ang bata, at lungkot na lungkot ang kaniyang ina.”

“Ayoko po ng mga batang lalaki,” sabi ng Layang-layang. “Itong nakaraang tag-araw, nang ako ay nasa ilog, may dalawang bastos na batang lalaki, mga anak ng tagakiskis, na lagi akong binabato. Siyempre pa, hindi nila ako tinamaan dahil kaming mga layang-layang ay mabilis lumipad, at saka nagmula ako sa isang pamilya na kilala sa pagiging maliksi. Pero kahit na. Isa pa ring tanda iyon ng kawalang-galang.”

Subalit labis ang lungkot sa mukha ng Masayang Prinsipe kaya’t naawa ang munting Layang-layang. “Napakalamig po dito,” sabi niya, “pero sasamahan ko po kayo ng isang gabi, at magiging mensahero ninyo ako.”

“Salamat, munting Layang-layang,” sambit ng Prinsipe.

Kaya tinungkab ng Layang-layang ang malaking batong rubi sa espada ng Prinsipe at lumipad sa ibabaw ng mga bubong ng bayan na dala-dala iyon sa kaniyang tuka.

Dumaan siya sa tore ng katedral, kung saan nakalilok ang mga puting anghel sa marmol. Dumaan siya sa palasyo at narinig ang tunog ng sayawan. Isang magandang babae ang lumabas mula sa balkonahe kasama ang kaniyang mangingibig. “Kahanga-hanga ang mga bituin,” sabi nito sa kaniya, “at kahanga-hanga ang kapangyarihan ng pag-ibig!”

“Sana ay umabot ang damit ko sa malaking salu-salo ng Bayan,” sagot niya. “Iniutos kong iburda doon ang mga hugis ng passion-flower, pero napakatamad ng mga mananahi.”

Dumaan ang Layang-layang sa ilog, at nakita ang mga ilawang nakasabit sa mga layag ng mga barko. Dumaan siya sa Ghetto, at nakita ang matatandang Hudyo na nakikipagtawaran sa isa’t isa, tinitimbang ang salapi sa mga timbangang tanso. Sa wakas ay dumating siya sa bahay ng dukha at sumilip. Pabiling-biling sa kaniyang kama ang batang nilalagnat at ang ina ay nakatulog na sa sobrang pagod. Palundag-lundag na pumasok ang ibon at ipinatong ang malaking rubi sa mesa, sa tabi ng didal na ginagamit ng babae sa kaniyang pananahi. Pagkatapos ay marahan siyang lumipad nang paikut-ikot sa kama, na pinapaypayan ng kaniyang mga pakpak ang noo ng bata. “Nalalamigan ako,” bulong ng bata, “siguro ay papagaling na ako,” at nakatulog ito nang mahimbing.
Pagkatapos ay lumipad pabalik sa Masayang Prinsipe ang Layang-layang, at sinabi sa kaniya ang kaniyang ginawa. “Nakapagtataka,” sabi niya, “pero mainit ang pakiramdam ko bagaman napakalamig.”

“Iyan ay dahil gumawa ka ng mabuti,” sabi ng Prinispe. Nagsimulang mag-isip ang Layang-layang at pagkatapos ay nakatulog siya. Laging nakapagpapaantok sa kaniya ang pag-iisip.

Nang mag-umaga, lumipad siya patungo sa ilog at naligo. “Isang kamangha-manghang kababalaghan ito,” sabi ng isang Propesor na eksperto sa mga ibon habang siya’y dumadaan sa tulay. “Isang layang-layang sa panahon ng taglamig!” At sumulat siya ng mahabang artikulo tungkol dito sa pahayagan ng bayan. Sinipi ito ng lahat ng tao, kahit puno ito ng mga salitang hindi nila maintindihan.

“Ngayong gabi, pupunta na ako sa Ehipto,” sabi ng Layang-layang, at masayang-masaya siya sa kaniyang plano. Binisita niya ang lahat ng pampublikong bantayog, at matagal na umupo sa mataas na tore ng isang simbahan.  Saan man siya nagtungo, ang mga ibong Maya ay tumitiririt at nagsasabi, “Isa siyang magiting na dayuhan!” kaya tuwang-tuwa siya. 

Nang gumabi na, lumipad siya pabalik sa Masayang Prinsipe. “Mayroon po ba kayong ipag-uutos sa Ehipto?” tanong niya. “Paalis na po ako.”

“Layang-layang, Layang-layang, munting Layang-layang,” sabi ng Prinsipe, “Hindi ba maaaring samahan mo ako ng isa pang gabi?”

“Hinihintay po ako sa Ehipto,” sagot ng Layang-layang. “Bukas ay lilipad ang mga kaibigan ko sa pangalawang mababaw na bahagi ng ilog Nile. Nakaupo sa mga yantok doon ang hipopotamo, at sa isang malaking granitong trono ay nakaluklok ang diyus-diyusang si Memnon. Sa buong magdamag ay binabantayan niya ang mga bituin, at pagsikat ng araw ay namumutawi sa kaniyang mga labi ang isang sigaw ng kaligayahan, at pagkatapos ay nananahimik na siya. Sa tanghaling-tapat, nagdaratingan ang mga kulay dilaw na leon sa gilid ng tubig upang uminom. Ang mga mata nila’y tulad ng mga berdeng batong beryl, at ang kanilang atungal ay mas malakas kaysa sa atungal ng mababaw na bahagi ng ilog.”

“Layang-layang, Layang-layang, munting Layang-layang,” sabi ng Prinsipe, “sa malayong dako sa kabila ng lunsod ay may nakikita akong binata sa isang masikip na kuwarto sa kisame. Nakatungo siya sa isang mesa na natatakpan ng mga papel, at sa tabi niya ay may basong naglalaman ng mga lantang bulaklak ng lila. Ang buhok niya ay kulay-tsokolate at kulot, ang mga labi niya ay kasing-pula ng prutas na granada, at mayroon siyang malalaki at mapupungay na mata. Sinisikap niyang tapusin ang isang dula para sa Direktor ng Teatro, subalit hindi na siya makapagsulat sa sobrang lamig. Walang apoy sa parilya, at nahihilo na siya sa gutom.”

“Sasamahan ko po kayo ng isa pang gabi,” sagot ng Layang-layang, na totoo namang may mabuting puso. “Dadalhan ko po ba siya ng isa pang rubi?”
“Naku! Wala na akong rubi,” sabi ng Prinsipe, “ang natitira na lang sa akin ay ang aking mga mata. Gawa sila sa di-pangkaraniwang bato ng sapiro na dinala mula sa India isang libong taon na ang nakakaraan. Dukutin mo ang isa at dalhin mo sa kaniya. Ibebenta niya iyon sa mag-aalahas, para makabili siya ng pagkain at kahoy na panggatong at matapos niya ang kaniyang dula.”

“Mahal kong Prinsipe,” sabi ng Layang-layang, “hindi ko po magagawa iyan,” at nagsimula siyang manangis.

“Layang-layang, Layang-layang, munting Layang-layang,” sabi ng Prinsipe, “gawin mo ang iniuutos ko sa iyo.”

Kaya tinungkab ng Layang-layang ang mata ng Prinsipe, at lumipad patungo sa masikip na silid ng estudyante. Madali siyang nakapasok dahil may butas sa bubong. Mabilis siyang lumipad papasok doon at nakarating siya sa loob ng kuwarto. Nakayukong sapo ng binata ang kaniyang ulo kaya hindi niya narinig ang pagaspas ng pakpak ng ibon. Nang iangat niya ang kaniyang paningin, nakita niya ang magandang batong sapiro sa gitna ng mga lantang bulaklak ng lila.
“Mayroon nang nagpapahalaga sa akin,” sambit niya. “Galing ito sa isang matinding tagahanga. Ngayon ay matatapos ko na ang aking dula,” at siya’y naging masayang-masaya.

Nang sumunod na araw, lumipad ang Layang-layang sa daungan ng barko. Naupo siya sa layag ng isang malaking sasakyang-dagat at pinanood ang mga mandaragat na naglalabas ng malalaking kahon, hinahatak ang mga iyon sa pamamagitan ng lubid. “Hila! Hila pa!” sigaw nila sa pag-akyat ng bawat kahon. “Pupunta ako sa Ehipto!” sabi ng Layang-layang, pero walang pumansin sa kaniya, at nang gumabi, lumipad siya pabalik sa Masayang Prinsipe.

“Naparito po ako para magpaalam,” hiyaw niya.

“Layang-layang, Layang-layang, munting Layang-layang,” sabi ng Prinsipe, “hindi ba maaaring samahan mo ako ng isa pang gabi?”

“Panahon na po ng tagginaw,” sagot ng Layang-layang, “at di magtatagal, ang malamig na yelo ay darating na dito. Sa Ehipto, ang araw ay mainit sa mga luntiang puno ng palma, at naglulublob sa putik ang mga buwaya, pinagmamasdan ang paligid nila. Ang mga kasamahan ko po ay nagtatayo na ng isang pugad sa Templo ni Baalbec, at pinanonood sila ng mga kalapating kulay-rosas at puti, na marahang nag-uusap sa isa’t isa. Mahal kong Prinsipe, kailangan ko na po kayong iwan, subalit hindi ko kayo malilimutan. Sa susunod na tagsibol, dadalhan ko po kayo ng dalawang magagandang hiyas kapalit ng mga ipinamigay ninyo. Magiging mas mapula pa sa pulang rosas ang rubi, at ang sapiro ay magiging kasing-asul ng dakilang dagat.”

“Sa plasa sa ibaba,” pahayag ng Masayang Prinsipe, “nakatayo ang isang dalagitang nagbebenta ng posporo. Naihulog niya sa kanal ang mga posporo, at sira nang lahat iyon. Bubugbugin siya ng kaniyang ama kapag hindi siya nakapag-uwi ng pera, at siya ay umiiyak. Wala siyang sapatos, o medyas, at ang kaniyang maliit na ulo ay walang panangga sa lamig. Dukutin mo ang isa ko pang mata, at ibigay mo sa kaniya para hindi siya bugbugin ng kaniyang ama.”

“Sasamahan ko po kayo ng isa pang gabi,” sambit ng Layang-layang, “pero hindi ko magagawang tungkabin ang natitira ninyong mata. Magiging bulag na po kayo.”

“Layang-layang, Layang-layang, munting Layang-layang,” sabi ng Prinsipe, “gawin mo ang iniuutos ko sa iyo.”

Kaya tinungkab ng ibon ang isa pang mata ng Prinsipe, at mabilis na lumipad pababa na dala iyon. Bumulusok siyang pababa sa babaeng nagtitinda ng posporo at isiningit ang bato sa palad nito. “Kayganda namang salamin nito,” sabi ng babae, at tumatawang tumakbo siya pauwi.

Pagkatapos ay bumalik sa Prinsipe ang Layang-layang. “Bulag na po kayo ngayon,” sabi niya, “kaya hindi ko na po kayo iiwan.”

“Huwag, munting Layang-layang,” sabi ng malungkot na Prinsipe, “kailangan mong magtungo sa Ehipto.”

“Hindi ko na po kayo iiwan,” pahayag ng Layang-layang, at natulog siya sa paanan ng Prinsipe.

Nang sumunod na araw, buong maghapon siyang umupo sa balikat ng Prinsipe at nagkuwento ng mga nasaksihan niya sa mga dayuhang lupain. Ikinuwento niya ang mga kulay-pulang ibong ibis, na nakapilang tumatayo sa mga pampang ng ilog Nile at nanghuhuli ng mga goldfish sa pamamagitan ng kanilang mga tuka. Ikuwento niya ang Sphinx na kasing-tanda ng daigdig, naninirahan sa disyerto, at nalalaman ang lahat ng bagay. Ikinuwento niya ang mga mangangalakal na dahan-dahang naglalakad sa tabi ng kanilang mga kamelyo, tangan-tangan sa kanilang mga kamay ang mga kuwintas na gawa sa mga batong may kulay magkahalong kayumanggi at dilaw. Sinabi niya ang tungkol sa Hari ng bulubunduking tinatawag na Mountains of the Moon, na kasing-itim ng itim na kahoy at sumasamba sa isang napakalaking kristal. Sinabi rin niya ang tungkol sa malaking kulay-berdeng sawa na natutulog sa isang puno ng palma, na pinapakain ng dalawampung saserdote ng mga tinapay na gawa sa pulot at gatas-kondensada. Ikinuwento niya ang mga unano na naglalayag sa malaking lawa, sakay ng malalaking patag na dahon at laging nakikipagdigma sa mga paru-paro.

“Mahal kong munting Layang-layang,” sabi ng Prinsipe, “kahanga-hanga ang mga kuwento mo, subalit ang pinaka-kamangha-mangha sa lahat ay ang paghihirap ng mga tao. Walang Misteryo na higit pa kaysa sa Kapighatian. Lumipad ka sa ibabaw ng aking lunsod, munting Layang-layang, at sabihin mo sa akin kung ano ang makikita mo doon.”

Kaya lumipad ang Layang-layang sa ibabaw ng malaking lunsod, at nasaksihan niya ang mayayaman na nagsasaya sa loob ng kanilang magagandang tahanan, samantalang ang mga pulubi ay nakaupo sa mga pintuang-daan. Pumasok siya sa madidilim na daanan at nakita ang namumutlang mukha ng mga batang gutom, matamlay na nakatanaw sa kahabaan ng madidilim na kalsada. Sa ilalim ng arko ng isang tulay, dalawang maliliit na batang lalaki ang magkayapos, nagsisikap na bigyan ng init ang katawan ng isa’t isa. “Gutom na gutom na tayo!” sabi nila. “Hindi kayo dapat humiga dito,” sigaw ng Tanod, at sila’y umalis at nagpagala-gala sa ilalim ng ulan.

Pagkatapos, lumipad pabalik ang Layang-layang at sinabi sa Prinsipe ang lahat ng kaniyang nakita.

“Balot ako ng pinong ginto,” sabi ng Prinsipe, “dapat mong isa-isang alisin ang bawat suson, at dalhin mo sa aking mga dukha. Laging napapasaya ng ginto ang mga taong buhay.”

Tinungkab ng Layang-layang ang bawat isang suson ng pinong ginto, hanggang sa ang Masayang Prinsipe ay nagmukhang walang buhay at kulay-abo. Dinala ng ibon sa mga dukha ang bawat isang suson ng ginto. At ang mga pisngi ng mga bata ay naging mas kulay-rosas, at sila’y nagtatawanang naglaro sa kalsada. “Mayroon na tayong tinapay ngayon!” sigaw nila.

Pagkatapos ay dumating na ang niyebe, at pagkatapos ng niyebe ay ang hamog na yelo. Nagmukhang tila gawa sa pilak ang mga kalsada, maliwanag at kumikinang. Bumitin mula sa alulod ng mga bahay ang mahahabang yelo na animo’y kristal na balaraw. Lahat ng tao ay nakasuot ng balabal na gawa sa balahibo ng hayop. Ang maliliit na batang lalaki ay may sumbrerong kulay-matingkad na pula at nagpadulas sila sa yelo.

Ang kawawang munting Layang-layang ay gininaw nang gininaw. Subalit ayaw niyang iwan ang Prinsipe sapagkat mahal na mahal niya ito. Nagpulot siya ng mga mumo sa labas ng pintuan ng panadero kapag hindi ito nakatingin at nagsikap na mapainit ang sarili sa pamamagitan ng pagpagaspas sa kaniyang mga pakpak.

Subalit sa wakas, alam niyang mamamatay na siya. Sapat lang ang lakas niya para minsan pa ay lumipad at dumapo sa balikat ng Prinsipe. “Paalam, mahal na Prinsipe,” bulong niya. “Maaari po bang payagan ninyo akong halikan ang inyong kamay?”

“Natutuwa ako na sa wakas ay makapupunta ka na sa Ehipto, munting Layang-layang,” sabi ng Prinsipe. “Masyado ka nang nagtagal dito. Subalit sa labi mo ako dapat halikan, sapagkat mahal kita.”

“Hindi po ako sa Ehipto pupunta,” sambit ng Layang-layang. “Sa Bahay ni Kamatayan ako pupunta. Kapatid ng Kamatayan ang Pagtulog, hindi po ba?”

At hinagkan niya ang Masayang Prinsipe sa labi, at bumagsak na patay sa kaniyang paanan.

Sa sandaling iyon, nakapagtataka na isang lagutok ang narinig mula sa loob ng estatwa, na para bang may nabiyak. Sa katotohanan, ang puso na gawa sa tingga ay nabiyak sa dalawa. Napakatindi talaga ng taglamig sa oras na iyon.

Maagang-maaga nang sumunod na araw ay naglakad ang Alkalde sa plasa kasama ang mga Konsehal ng Bayan. Nang mapadaan sila sa haligi ay tumingin siya paitaas sa estatwa: “Nakupo! Mukhang nanlilimahid ang Masayang Prinsipe!” sabi niya.

“Mukhang nanlilimahid talaga!” hiyaw ng mga Konsehal ng Bayan na laging umaayon sa Alkalde, at sila man ay tumingin dito.

“Ang rubi ay nahulog na sa kaniyang espada, ang mga mata niya ay wala na, at hindi na siya ginto,” sa katunayan, sabi ng Alkalde, “mukha na siyang pulubi!”

“Mukha na siyang pulubi,” pag-uulit ng mga Konsehal ng Bayan.

“At narito sa paanan niya ang isang aktuwal na patay na ibon!” patuloy pa ng Alkalde. “Dapat talagang magpalabas tayo ng isang proklamasyon na hindi pinapayagang mamatay dito ang mga ibon.” At isinulat ng Kawani ng Bayan ang suhestiyon.

Kaya hinatak nilang pababa ang estatwa ng Masayang Prinsipe. “Dahil hindi na siya maganda, wala na siyang pakinabang,” sabi ng Propesor ng Sining sa Unibersidad.

Pagkatapos ay tinunaw nila ang estatwa sa isang pugon, at pinulong ng Alkalde ang Konsilyo upang pagpasiyahan kung ano ang gagawin sa nabuong metal. “Siyempre, dapat magkaroon tayo ng isa pang estatwa,” sabi niya, “at iyon ay ang estatwa ko.”

“Estatwa ko,” sabi ng bawat isang Konsehal ng Bayan, at sila’y nag-away-away. Ang huli kong balita sa kanila ay nag-aaway pa rin sila hanggang ngayon.

“Nakapagtataka!” sabi ng katiwala ng mga manggagawa sa pandayan. “Hindi natunaw sa pugon ang sirang pusong tingga na ito. Dapat natin itong itapon.” Kaya itinapon nila iyon sa bunton ng mga alikabok kung saan naroon din ang patay na Layang-layang.

“Dalhin mo sa Akin ang dalawang pinakamahalagang bagay sa lunsod,” utos ng Diyos sa isa sa Kaniyang mga Anghel. At dinala sa Kaniya ng Anghel ang pusong gawa sa tingga at ang patay na ibon.

“Tama ang pinili mo,” sabi ng Diyos, “sapagkat sa Aking hardin sa Paraiso, ang munting ibong ito ay aawit magpakailan-kailanman, at sa Aking lunsod na gawa sa ginto, pupurihin Ako ng Masayang Prinsipe.”

*WAKAS* 

Free book alert

Everyone in their community was against Marie, suspicious of her collection of bottles containing horrendous specimens and her secretive nature. But Datu was blindly in love with her, choosing to deny the doubts that kept plaguing him. What was important to him was that she loved him back, and that he, as leader of his people, will do anything to fulfill the duty bestowed upon him by his ancestors.

BLACK LOVE

AN AWARD-WINNING PARANORMAL SHORT STORY